Hindi mawari ang gagawin - 

Habulin ang kulimlim na ningas
O magkubli't yakapin ang damdamin?
Tatakpan ba ang isipa't pipiliting umasa
o tumalikod sa puso kahit maglaho ang saya?
Tumakbo nang tumakbo at mapagod sa pagsunod
sa isang alapaap na waring ayaw paabot;
O patuloy na kumapit sa pangakong hatid ay kirot
at bulagin ng huwad na ngiti ang libu-libong lungkot?
Kahit himig kang bumubuhay sa lumbay kong mga tiklada
at sukat sa aking liriko't bilang ng mga linya;
Liwanag man kitang gustong manatili
sumalungat man sa mundo't ipaglaban sa gabi
Walang mangyayari...

Pagkat hindi mapapawi ang lindol sa dibdib
Huminto man ang pangarap kong tala sa langit
dahil langit man ay abot ng aking paningin
kailanma'y hindi ako mapalilipad ng hangin

siguro nga, marahil...
dahil bituin kang hindi tatanaw at mahuhulog sa akin
lumuha man ako upang ika'y abutin
idalangin ko mang taimtim at buong-pusong ibigin
na ako'y paliparin ng pasubali kong hangin.



Leave a Reply.